--Ads--

Humiling ng autopsy ang pamilya ng Nigerian basketball player na si Chukwuemeka Divine Adili bago iuwi ang kaniyang labi sa Nigeria, ayon sa Embahada ng Nigeria sa Manila.

Si Adili, na naglaro para sa Ateneo Blue Eagles sa UAAP, at ang Filipino rookie na si Rene Baterbonia ay parehong nasawi matapos malunod habang nagsasagawa ng team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Lunes.

Ayon sa embahada, patuloy silang nagbibigay ng tulong at koordinasyon sa pamilya ng nasawi habang hinihintay ang mga kaukulang proseso.

Si Adili ay 21 taong gulang habang si Baterbonia ay 19, at nakilala si Adili bilang promising rookie big man ng Ateneo sa UAAP Season 88.

--Ads--

Samantala, iniutos ng Department of Justice sa National Bureau of Investigation na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente upang matukoy kung may sapat na batayan para sa posibleng pagsasampa ng kaso at upang ganap na mapalinaw ang pangyayari.

Ayon sa pulisya, batay sa mga pahayag ng mga unang tumulong sa mga biktima, wala umanong indikasyon ng foul play. Sinabi rin na isinagawa ang team-building activity humigit-kumulang 300 metro mula sa dalampasigan, sa kabila ng paunang payo ng resort management na gawin ito sa mas ligtas na bahagi ng tubig, at na pinili umano ng grupo na mapag-isa sa lugar.