Inilahad ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang tatlong aktibong fault line na matatagpuan sa lalawigan ng Isabela at muling hinikayat ang publiko na maging handa sa posibleng pagyanig.
Ayon sa Phivolcs Region 2, kabilang sa mga aktibong fault line sa lalawigan ang Divilacan Fault, Santiago Segment, at isang unnamed fault line sa Ilagan City.
Ang Divilacan Fault ay dumaraan sa mga bayan ng Divilacan, Dinapigue at Palanan. Naitala rito ang magnitude 5.8 na lindol noong Mayo 2023 at may kakayahang lumikha ng pagyanig na aabot sa magnitude 7.2.
Samantala, ang unnamed fault line sa Ilagan City ay iniuugnay sa magnitude 3.4 na lindol na tumama sa lungsod noong Hunyo 3, 2026.
Bahagi naman ng East Cordillera Fault ang Santiago Segment na sumasaklaw sa mga bayan ng San Isidro, Ramon, San Mateo, San Manuel at Cordon. Ito rin ang pinagmulan ng humigit-kumulang 500 maliliit na lindol na naitala noong Hunyo 2025 at may potensyal ding magdulot ng magnitude 7.2 na lindol.
Binigyang-diin ng Phivolcs na hindi maaaring mahulaan ang eksaktong oras ng pagyanig kaya mahalagang maging handa ang mga komunidad na malapit sa mga fault line at iba pang geohazard areas.











