Naging maayos at mapayapa ang unang linggo ng pagbubukas ng klase sa lalawigan ng Isabela sa ilalim ng Oplan Balik Eskwela 2026 ng Isabela Police Provincial Office.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlett Topinio, tagapagsalita ng IPPO, walang naitalang malalaking insidente sa mga paaralan sa unang linggo ng pasukan dahil sa maagang paghahanda at direktibang ipinatupad ng Philippine National Police.
Bukod sa pagbabantay sa mga paaralan, patuloy ring nagsasagawa ng anti-criminality checkpoints, mobile patrol operations at police visibility sa mga commercial establishments at iba pang matataong lugar ang kapulisan upang mapanatili ang kaayusan at seguridad ng publiko.
Nag-deploy din ng mga pulis sa mga terminal, loading at unloading areas, gayundin sa mga lugar kung saan nagsasakay at nagbababa ng mga estudyante upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Samantala, patuloy ding binabantayan ng mga awtoridad ang mga estudyanteng lumalabag sa batas trapiko partikular ang mga menor de edad na nagmamaneho ng motorsiklo nang walang lisensya at helmet.
Dahil dito, muling nanawagan ang Isabela Police Provincial Office sa mga magulang na huwag hayaang magmaneho ng motorsiklo ang kanilang mga anak lalo na kung menor de edad at walang kaukulang lisensya.
Ayon kay Tupinio, layunin ng kanilang kampanya na maiwasan ang mga aksidente at iba pang insidenteng maaaring malagay sa panganib ang buhay ng mga estudyante.
Dagdag pa nito, magsasagawa rin ang PNP ng serye ng mga information drive at dialogue sa mga paaralan upang ipaliwanag sa mga mag-aaral ang mga batas trapiko at ang kahalagahan ng responsableng pagmamaneho.
Sa kasalukuyan, naka-deploy ang mga pulis sa mga paaralan lalo na tuwing oras ng pasok at uwian upang tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan, pagmamando ng trapiko at pagtiyak sa kaligtasan ng mga estudyante.
Nagpasalamat naman ang Isabela Police Provincial Office sa Department of Education, mga lokal na pamahalaan, barangay officials at iba pang stakeholders na katuwang ng PNP sa pagpapatupad ng Oplan Balik Eskwela 2026.










