--Ads--

Nagtalaga na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 ng mga tauhan sa mga lokal na pamahalaan ng San Mariano at Benito Soliven upang mas mahigpit na mamonitor ang operasyon ng isang bioethanol plant na umano’y nagdulot ng fish kill sa Pinacanauan River dahil sa itinuturong pagtapon ng kemikal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. John Mark Paracad, Chief ng Enforcement Division ng DENR Region 2, na bumuo na sila ng multi-partite monitoring team na binubuo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang tutukan ang operasyon ng planta at tiyakin ang pagsunod nito sa environmental regulations.

Ayon sa kanya, magtatalaga rin ng regular monitoring at inspection activities ang grupo upang maiwasan ang posibleng pag-ulit ng insidente at agad na matukoy ang anumang paglabag kung mayroon man.

Dagdag pa ni Paracad, babantayan din ng kanilang tanggapan ang mga ulat at reklamo na lumalabas sa social media upang agad itong maimbestigahan at maaksyunan kung kinakailangan.

--Ads--

Hinikayat din niya ang publiko na direktang magsumite ng mga reklamo sa DENR sa halip na sa social media lamang, upang mas mabilis na maaksyunan ang mga isyu.

Samantala, nanawagan ang opisyal sa mga residente na huwag munang kainin ang mga isdang namatay sa ilog dahil maaaring kontaminado ang mga ito at magdulot ng panganib sa kalusugan.

Una nang naglabas ang LGU Benito Soliven ng Executive Order na nagtatakda ng pansamantalang pagbabawal sa paghuli, pagbebenta, at pagkain ng mga isda mula sa Pinacanauan de Ilagan River matapos ang naitalang fish kill incident.