Arestado ang isang 19-anyos na lalaki matapos ipatupad ang warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kasong statutory rape na walang inirekomendang piyansa sa Barangay Gangalan, San Mariano, Isabela.
Ang akusado ay binata at magsasaka na residente ng nasabing barangay.
Isinagawa ang operasyon ng San Mariano Municipal Police Station sa pakikipagtulungan ng 201st Regional Mobile Force Battalion 2 at Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office.
Batay sa paunang ulat, nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng menor de edad na biktima kasama ang kanyang ama noong Setyembre 2025.
Ayon sa salaysay ng biktima, naganap umano ang sekswal na pang-aabuso matapos silang dumalo sa isang pista sa nasabing bayan.
Matapos maiulat ang insidente sa pulisya, isinailalim ang biktima sa medico-legal examination sa Rural Health Unit at isinangguni rin sa Municipal Social Welfare and Development Office para sa psychosocial services.
Patuloy namang haharap sa kaukulang proseso ng batas ang akusado kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanya.











