Nagkaroon ng aksidente sa kalsada sa Mamangi Park, Barangay Osmeña, Lungsod ng Ilagan, Isabela, bandang alas-2:50 kahapon, Hunyo 16, 2026.
Sangkot sa insidente ang isang Isuzu Forward Dropside Truck na minamaneho ni Daniel Andres, 45-anyos, may asawa, at residente ng Barangay Dadda, Tuguegarao City, Cagayan.
Batay sa paunang imbestigasyon, patungong Cauayan City ang truck na may kargang iba’t ibang materyales nang umano’y mawalan ito ng preno pagdating sa lugar ng insidente.
Upang maiwasan ang mas malaking pinsala at posibleng may masaktan, iniliko ng tsuper ang sasakyan palabas ng kalsada patungo sa Mamangi Park.
Dahil dito, tumaob ang truck sa loob ng parke. Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsalang dulot ng insidente.










