Nanawagan si Senate President Sherwin Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na agad tiyaking mararamdaman ng mga Pilipino ang posibleng pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo matapos ang paglagda ng isang memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Estados Unidos at Iran na layong wakasan ang digmaan sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Gatchalian, ang naturang kasunduan ay nagbibigay ng pag-asa na magiging mas matatag at posibleng bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, lalo na kung muling bubuksan nang walang restriksiyon ang paglalayag sa Strait of Hormuz, na isang mahalagang ruta ng langis sa mundo.
Sa isang pahayag, sinabi ng Senate President na bagama’t ito pa lamang ay unang hakbang tungo sa mas pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon, nakikita nito ang potensyal na magdulot ng positibong epekto sa suplay at presyo ng langis.
Binigyang-diin din ni Gatchalian na dapat kumilos agad ang pamahalaan upang matiyak na ang anumang pagbaba sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay direktang makikinabang ang mga Pilipinong konsyumer.
Giit pa niya, ilang buwan nang pasan ng mga mamamayan—lalo na ng sektor ng pampublikong transportasyon, mga magsasaka, at karaniwang mamimili—ang mataas na presyo ng bilihin na dulot ng tensyon at digmaan sa Gitnang Silangan.











