Nagtapos ang dalawampu’t isang persons deprived of liberty o PDLs sa BJMP Cauayan City Jail sa ilalim ng Alternative Learning System o ALS, kabilang ang isang person with disability o PWD na hindi nakapagtapos ng pag-aaral noon dahil sa naranasang pambubully.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay SInsp. Isagani Gayap, Assistant Warden ng BJMP Cauayan, sinabi niya na binubuo ang mga nagsipagtapos ng walong PDLs mula sa Senior High School at labintatlong PDLs mula sa Junior High School.
Ayon kay Gayap, naisakatuparan ang programa sa pakikipagtulungan ng Department of Education o DepEd bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng ALS sa loob ng pasilidad.
Ibinahagi rin ng opisyal ang kuwento ng isang PDL na may kapansanan na hindi nakatapos ng high school dahil sa naranasang diskriminasyon at pambubully noong siya ay nag-aaral pa, ngunit nabigyan ng panibagong pagkakataon sa pamamagitan ng ALS at matagumpay na nagtapos ng Senior High School.
Binigyang-diin ni Gayap na tuloy-tuloy ang pakikipagtulungan ng BJMP at DepEd upang mabigyan ng pagkakataong makapag-aral ang mga PDL habang pansamantala silang nananatili sa pasilidad.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, pinayagan ang mga nagtapos na makasama ang kanilang mga mahal sa buhay at magkaroon ng munting salu-salo bilang paggunita sa isang mahalagang yugto ng kanilang buhay.
Inihayag din ni Gayap na pinag-aaralan ang posibilidad na magkaroon ng programang pang-kolehiyo para sa mga kwalipikadong PDL sa pakikipagtulungan ng DepEd at Commission on Higher Education o CHED upang lalo pang mapalawak ang oportunidad sa edukasyon at rehabilitasyon sa loob ng piitan.











