--Ads--

Itinuturing na matagumpay ng pamahalaang lungsod ng Cauayan ang unang linggo ng pagbubukas ng klase matapos na hindi makaranas ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa iba’t ibang pangunahing lansangan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division (POSD) Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na , naging maayos at tuloy-tuloy ang daloy ng mga sasakyan at hindi naitala ang matagal na traffic congestion sa unang bugso ng pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan.

Gayunman, inaasahan ang mas mataas na volume ng mga sasakyan sa susunod na linggo kasabay ng pagbubukas ng ilang pribadong paaralan.

Dahil dito, mananatiling ipatutupad ang mga naitalagang rerouting scheme sa iba’t ibang lugar upang mapanatili ang maayos na trapiko sa paligid ng mga paaralan.

--Ads--

Napatunayan din umano ang pagiging epektibo ng one-way traffic scheme lalo na sa ilang bahagi ng lungsod kabilang ang Cortes Street at iba pang konektadong lansangan kung saan mas natutunan ng mga motorista ang paggamit ng alternatibong ruta.

Ayon POSD, naging positibo ang resulta ng naturang sistema dahil mas nagagamit na ngayon ang mga available na inner roads at alternatibong daanan sa loob ng poblacion.

Dagdag pa rito, natapos na rin bago ang pagbubukas ng klase ang mga road development, road concreting at road improvement projects alinsunod sa direktiba ni Mayor Jaycee Dy upang hindi makaapekto sa galaw ng trapiko.

Samantala, binigyang-diin din ng mga opisyal ang kahalagahan ng disiplina sa lansangan lalo na sa oras ng pasukan at uwian. Ipinagbabawal ang pagpaparada ng mga sasakyan sa mga kalsadang malapit sa mga paaralan partikular tuwing rush hour mula alas-6:30 hanggang alas-8:00 ng umaga.

Ipatutupad din ang pagbabawal sa pagpaparada sa loob ng limampung metro mula sa mga paaralan upang maiwasan ang pagbuo ng trapiko at hindi maantala ang pagpasok at pag-uwi ng mga estudyante.

Pinapayagan lamang ang mabilisang loading at unloading o tinatawag na “stop and go” para sa mga magulang na magsusundo o maghahatid ng kanilang mga anak.

Samantala, pinaalalahanan din ang mga paaralan na tiyaking may sapat na loading at unloading areas o mga rampahan sa loob ng kanilang mga compound upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko sa mismong mga lansangan.