Photo @ web
--Ads--

Nahaharap ang isang Filipina nurse practitioner mula sa Tuguegarao City sa ilang kasong pederal sa Estados Unidos matapos umano’y pamunuan ang isang malawakang healthcare fraud scheme na nagdulot ng halos P52 bilyong pagkalugi sa mga programang Medicare at TRICARE.

Ayon sa federal indictment na inihain sa Houston, Texas, si Marizel Yukee, residente ng Las Vegas, Nevada, ay inakusahan ng pakikipagsabwatan upang magsumite ng daan-daang milyong dolyar na maling insurance claims para sa mga hindi kinakailangang wound treatments. Kabilang umano sa mga target na pasyente ang mga matatanda, may malulubhang karamdaman, at mga nasa hospice care.

Ipinakita sa mga dokumento ng korte na mula Oktubre 2023 hanggang Abril 2026, mahigit US$906 milyon o tinatayang P51.6 bilyon ang halaga ng mga diumano’y pekeng claims na isinumite sa Medicare at TRICARE. Sa kabuuang halagang ito, nakatanggap umano ang grupo ng humigit-kumulang US$297 milyon o halos P17 bilyon mula sa dalawang government healthcare programs.

Sinasabing pinatakbo ni Yukee ang apat na wound-care clinics sa Texas, Nevada, California, at Hawaii. Inakusahan din siya ng pagbabayad ng ilegal na kickbacks kapalit ng patient referrals, pamemeke ng medical records, at pagsingil para sa mga serbisyong hindi naman kinakailangan ng mga pasyente.

--Ads--

Ayon sa mga prosecutor, ginamit umano ni Yukee ang bahagi ng mga nalikom na pondo upang tustusan ang marangyang pamumuhay. Kabilang sa mga sinasabing binili gamit ang pera ang isang Ferrari na nagkakahalaga ng mahigit US$500,000, mamahaling alahas tulad ng Bulgari necklace na nagkakahalaga ng US$865,000, isang bahay sa Hawaii na nagkakahalaga ng US$1 milyon, at ang pagpapatayo ng isang beach resort sa Santa Ana, Cagayan na tinatayang nagkakahalaga ng US$4.6 milyon.

Dahil dito, hiniling ng mga pederal na awtoridad ang forfeiture o pagsamsam sa iba’t ibang ari-arian, sasakyan, bank accounts, at iba pang asset na pinaniniwalaang may kaugnayan sa umano’y pandaraya.

Kinasuhan si Yukee ng conspiracy to commit healthcare fraud and wire fraud, healthcare fraud, conspiracy to pay and receive illegal kickbacks, at money laundering. Naglabas na rin ng warrant of arrest ang U.S. District Court for the Southern District of Texas laban sa kanya.

Gayunman, ayon sa batas ng Estados Unidos, itinuturing pa ring inosente si Yukee hangga’t hindi napatutunayang nagkasala sa korte.