Sugatan ang isang 47-anyos na lalaki matapos masaksak ng kanyang kainuman sa isang kubo sa Barangay Santa Luciana, Cauayan City, kahapon Hunyo 21.
Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, dakong alas-3:30 ng hapon nang makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa insidente ng pananaksak na naganap sa isang nipa hut malapit sa ilog na nasasakupan ng barangay.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na nagtungo umano ang biktima sa lugar upang mangisda at habang naroon ay nakita nito ang suspek at inayang mag-inuman.
Matapos ang kanilang pag-inom, pinayuhan umano ng suspek ang biktima na umuwi na. Gayunman, sa halip na umalis, bumalik umano ang biktima at hinamon ang suspek, dahilan upang magkaroon ng mainitang pagtatalo na kalaunan ay nauwi sa pisikalan.
Ayon sa ulat, una umanong umatake ang biktima kaya kumuha ang suspek ng kitchen knife na nakapatong sa isang mesa at sinaksak ng isang beses ang biktima sa tagiliran nito.
Nagawa pang maagaw ng biktima ang kamay ng suspek dahilan upang mabitawan nito ang patalim. Nagkaroon pa ng sagupaan bago tuluyang nakatakas ang biktima at humingi ng tulong.
Agad naman siyang tinulungan ng isang concerned citizen at kalaunan ay naisugod din sa pagamutan sa tulong na rin ng mga rumespondeng rescue team.
Mabilis ding rumesponde ang mga opisyal ng barangay sa pangunguna ng kanilang barangay captain at nagsagawa ng citizens’ arrest laban sa suspek bago ito isinuko sa pulisya.
Samantala, sa pakikipag-ugnayan ng Bombo News Team sa suspek, sinabi nito na self-defense lamang umano ang kanyang ginawa matapos siyang unang komprontahin at atakihin ng biktima.
Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang mabatid ang kabuuan ng pangyayari at inihahanda na rin ang kaukulang kaso laban sa suspek.











