Inilagay ng Philippine National Police (PNP) sa heightened alert ang kanilang emergency at disaster response units upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga komunidad na maaaring maapektuhan ng Bagyong Francisco at ng Habagat.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan ang pag-activate ng mga police emergency response teams sa buong bansa kasabay ng patuloy na paglakas ng bagyo sa Philippine Sea.
Sinabi ni Nartatez na mahigpit na sinusunod ng mga yunit ng pulisya ang mga disaster response protocol at aktibo ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maagap at maayos na pagtugon sa kaligtasan ng publiko.
Prayoridad din ng PNP ang pakikipag-ugnayan sa mga LGU para sa posibleng preemptive evacuation at iba pang kinakailangang hakbang sa mga maaapektuhang lugar.
Hinikayat ng PNP ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga opisyal na abiso habang patuloy na nagbabago ang lagay ng panahon.
Batay sa PAGASA, alas-5 ng umaga noong Lunes ay nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang Batanes, ilang bayan sa Cagayan, at silangang bahagi ng Babuyan Islands.
Ayon pa sa ahensya, inaasahang lalakas pa ang bagyo at maaaring maabot ang peak intensity nito sa Martes.










