Humarap sa Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dating head coach ng men’s basketball team ng Ateneo de Manila University na si Tab Baldwin kaugnay ng imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang student-athlete sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora.
Nasawi sina Rene Baterbonia at Divine Adili matapos malunod habang isinasagawa ang naturang aktibidad noong Hunyo 8.
Kasunod ng insidente, nagbitiw sa kanilang mga posisyon sina Baldwin at dating team manager na si Epok Quimpo.
Humingi rin ng paumanhin si Baldwin sa mga pamilya ng mga nasawing manlalaro. Gayunman, sinabi ng ina ni Baterbonia na hindi sapat ang paghingi ng tawad para matugunan ang kanilang hinanakit at mga katanungan tungkol sa nangyari.
Samantala, humarap naman noong Huwebes sa National Bureau of Investigation (NBI) ang assistant coach na si Sandro Soriano bilang bahagi ng hiwalay na imbestigasyon ng ahensiya sa insidente.
Ayon sa ulat ni John Consulta ng GMA News, dumating sa tanggapan ng NBI pasado ala-1 ng hapon noong Huwebes ang siyam na manlalaro ng men’s basketball team ng Ateneo kasama ang kanilang mga kamag-anak at abogado upang magbigay ng kani-kanilang mga salaysay.
Dinala ang mga manlalaro sa magkakahiwalay na silid upang maisagawa ang pagkuha ng kanilang mga pahayag.
Samantala, isinailalim sina Baldwin, Soriano, Quimpo, at mga assistant coach na sina Reynaldo Jacinto Jr. at Dean Castaño sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO). Sa ilalim ng kautusang ito, aabisuhan ang mga awtoridad sakaling tangkain nilang bumiyahe palabas ng bansa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.









