--Ads--

Wala pang naitatalang major cases ng school violence at malalaking insidente ng bullying sa mga paaralan sa ilalim ng Schools Division Office (SDO) Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jay Gallegos, Division Information Officer ng SDO Isabela, na naging proactive ang mga paaralan sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga mag-aaral sa tulong ng mga guro, magulang, at iba pang stakeholders.

Ayon kay Gallegos, naglabas na rin ng Division Memorandum ang SDO Isabela upang gabayan ang mga paaralan sa pagpapatupad ng mas pinaigting na school safety measures. Kabilang dito ang mahigpit na pagpapatupad ng school safety protocols, pagpapalakas ng child protection programs, anti-bullying initiatives, at institutionalized guidance services.

Aniya, mahalaga rin ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad upang mapanatiling ligtas ang mga paaralan at matiyak na nararamdaman ng mga mag-aaral na sila ay pinakikinggan, pinoprotektahan, at ligtas sa loob ng paaralan.

--Ads--

Bagama’t may mga pagkakataong may naitatalang ilang minor incident, sinabi ni Gallegos na agad itong tinutugunan sa pamamagitan ng mga mekanismo sa mga paaralan kabilang ang maagang pag-uulat at agarang interbensyon.

Dagdag pa niya, nakapaloob din sa inilabas na memorandum ang mga alituntunin sa pagpapatupad ng mga security measures upang maiwasan ang pagdadala ng mga firearms at iba pang mapanganib na armas sa loob ng mga paaralan, sa kabila ng katotohanang hindi lahat ng paaralan ay may nakatalagang school guards.