Inireklamo ng ilang residente ng Brgy. Salvacion, Alicia ang pagdami ng mga langaw na pinaniniwalaan nilang nagmumula sa isang poultry farm sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Irene Magno, halos dalawang linggo na nilang tinitiis ang sitwasyon dahil sa dami ng mga langaw na pumapasok sa kanilang tahanan. Aniya, naaapektuhan na ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay dahil nahihirapan silang kumain at makatulog nang maayos.
Salaysay ni Gng. Magno, naiparating na umano nila ang kanilang reklamo sa isang kagawad ng barangay, ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin umano silang nakikitang aksyon kaugnay ng kanilang hinaing.
Hiling lamang nila na mabigyan sila ng pamatay-langaw upang kahit papaano ay mabawasan ang perwisyong kanilang nararanasan habang hinihintay ang pangmatagalang solusyon sa problema.
Samantala, nilinaw naman ni Gng. Kriselle Tan, accounting staff ng nasabing poultry farm, na hindi nila ikinakaila na maaaring makaakit ng mga langaw ang ilan sa mga gamot na ginagamit sa kanilang operasyon. Gayunman, sinabi niya na may mga hakbang silang ipinatutupad upang masolusyunan ang naturang isyu sa loob pa lamang ng kanilang pasilidad.
Dagdag pa ni Tan, bukas umano ang kanilang kumpanya sa pakikipagtulungan sa mga residente at maaari silang magbigay ng gamot kontra langaw kung ito ay hihilingin ng mga apektadong mamamayan.
Mas mainam din umano na direktang maipaabot sa kanilang pamunuan ang mga reklamo upang agad nila itong maaksyunan at mabigyan ng kaukulang solusyon.
Sa panig naman ng barangay, sinabi ni Brgy. Captain Marissa Eblacas ng Brgy. Salvacion na wala umano siyang nalalamang naiparating na reklamo kaugnay ng naturang isyu dahil wala ring naiuulat sa kanya ang mga kagawad ng barangay.
Ayon kay Eblacas, sa tuwing may natatanggap silang katulad na reklamo ay agad naman silang kumikilos at nakikipag-ugnayan sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Alicia upang magsagawa ng kaukulang inspeksyon.
Aniya, na-inspeksyon na rin umano ng MENRO ang nasabing poultry farm at wala naman umanong nakitang paglabag sa mga umiiral na regulasyon.
Sa kabila nito, iginiit ng barangay ang kahalagahan ng direktang pakikipag-ugnayan ng mga residente sa kanilang tanggapan upang mas mabilis na matugunan ang mga suliraning nararanasan sa komunidad.











