--Ads--

Nahulihan ng baril at patalim ang dalawang estudyante ng Aparri School of Arts and Trade sa Aparri, Cagayan matapos magsagawa ng inspeksyon ang mga awtoridad sa loob ng paaralan nitong Biyernes ng umaga, Hunyo 26.

Ang mga sangkot ay isang 15-anyos na estudyante mula sa Barangay Punta at isang 14-anyos na estudyante mula sa Barangay Tallungan.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), isang caliber .38 revolver at isang kitchen knife ang nakumpiska mula sa dalawang mag-aaral.

Ayon sa ulat, sinubukan umano nilang mag-cut ng klase kasama ang isa pang estudyante bago sila nahuli ng mga awtoridad.

--Ads--

Natuklasan ang mga armas habang nagsasagawa ng regular na inspeksyon ang mga pulis sa loob ng paaralan.

Sa paunang imbestigasyon, sinabi ng mga estudyante na personal na alitan ang naging dahilan ng pagdadala nila ng mga armas sa paaralan.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente at kung may iba pang kasong maaaring isampa laban sa mga sangkot.