Inaprubahan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang kahilingan ng prosekusyon na i-freeze ang anumang halagang nasamsam mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang kanyang pag-aresto noong Marso 2025.
Batay sa dokumentong inilabas noong Hunyo 26, ang kautusan ay kaugnay ng mosyon na inihain ng prosekusyon noong Mayo 1.
Gayunman, hindi pa isinapubliko ang eksaktong halaga ng perang nasamsam mula sa dating pangulo. Bukod dito, humiling din ang prosekusyon ng akses sa iba pang mga gamit na nakumpiska kay Duterte bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.
Hindi naman tutol ang kampo ng depensa sa pagsusuri ng ilan sa mga nasamsam na kagamitan, ngunit kinuwestiyon ni defense counsel Peter Haynes ang kahilingan na siyasatin ang mga susi na kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC Registry.
Ayon kay Haynes, walang sapat na batayan ang prosekusyon upang iugnay ang mga susi sa mga alegadong krimen o sa anumang ari-ariang may kaugnayan sa kaso.
Aniya, hindi dapat gamitin ang pagsusuri sa mga susi upang maghanap pa lamang ng ebidensiyang magbibigay-katwiran sa naturang kahilingan.
Samantala, hiniling din ng depensa na limitahan ng prosekusyon ang pag-access sa mga personal na impormasyon ni Duterte at ng kanyang pamilya na walang kaugnayan sa imbestigasyon.
Iginiit nilang ang mga impormasyong hindi mahalaga sa kaso ay dapat agad na burahin o permanenteng alisin.











