--Ads--

Hiniling ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) na tanggapin bilang ebidensya ang mga naunang naitalang testimonya ng limang saksi sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng madugong kampanya kontra droga.

Sa 12-pahinang dokumentong inihain nitong Biyernes, hiniling ni ICC Acting Prosecutor Mame Mandiaye Niang sa Trial Chamber III na payagang isumite ang mga transcript at kaugnay na materyales mula sa mga saksi na kinilala bilang P-1087, P-1151, P-1158, P-1161 at P-1204.

Ayon kay Niang, makatutulong ang pagtanggap sa mga naunang testimonya upang mapabilis ang paglilitis at mabawasan ang oras na gugugulin sa direktang pagtatanong sa mga saksi.

Iginiit din ng prosekusyon na mahalaga at mapagkakatiwalaan ang mga testimonya at makatutulong ang mga ito sa pagpapatunay ng mga alegasyon laban sa dating pangulo.

--Ads--

Binigyang-diin naman ni Niang na hindi malalabag ang karapatan ni Duterte sa patas na paglilitis dahil mananatiling bukas sa cross-examination ng depensa ang limang saksi, gayundin sa mga karagdagang tanong mula sa mga hukom at iba pang partido sa kaso.

Nahaharap si Duterte sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng kampanya kontra droga noong siya ay pangulo ng bansa at alkalde ng Davao City.

Inaresto siya noong Marso 2025 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 at kasalukuyang nakadetine sa ICC Detention Centre sa Scheveningen, The Hague, Netherlands.

Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa dating pangulo sa Nobyembre 30. Nauna nang nagpasiya ang ICC Trial Chamber III na kuwalipikado siyang humarap sa paglilitis at kaya niyang gamitin nang epektibo ang kaniyang mga karapatan bilang akusado.