Ipinatupad ng City Government of Santiago ang Closure Order laban sa isang restobar matapos itong umano’y mabigong tumalima sa ilang mahahalagang rekisito at regulasyong itinakda para sa legal na operasyon ng mga negosyo.
Batay sa nakapaskil na kautusan, kabilang sa mga natukoy na paglabag ang kawalan ng business permit, building o occupancy permit, Fire Safety Inspection Certificate (FSIC), at sanitary permit, mga pangunahing dokumentong nagsisilbing batayan upang matiyak ang legalidad, kaligtasan, at pagsunod ng isang establisimyento sa mga itinakdang pamantayan.
Nakapaloob din sa Closure Order ang umano’y paglabag sa Section 38 at 39 ng City Zoning Ordinance, Section 5(g) ng Revised Fire Code of the Philippines of 2008, Article 15 ng Ecological Solid Waste Management Ordinance, at Section 45 ng Sanitation Code of Santiago City.
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na ang sinumang sadyang sisira, mag-aalis, o magmamanipula sa ipinaskil na Closure Order ay maaaring managot sa ilalim ng umiiral na batas.










