--Ads--

Pansamantalang ipinasara ng mga otoridad ang isang restobar sa Cauayan City matapos itong masangkot sa naganap na pambubugbog na ikinasawi ng isang lalaki at dahil na rin sa umano’y paglabag sa umiiral na mga panuntunan sa operasyon ng mga establisyemento.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Avelino Canceran Jr., sinabi nitong epektibo nitong Mayo 20, alas-6:00 ng gabi nang ipatupad ang temporary closure laban sa naturang restobar.

Ayon kay PLt.Col. Canceran, bukod sa nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay sa insidente ng pambubugbog ay lumabag din umano ang establisyemento sa itinakdang oras ng operasyon.

Aniya, hanggang alas-tres lamang ng madaling araw pinapayagang mag-operate ang mga kahalintulad na establisyemento ngunit lumampas umano sa naturang oras ang restobar.

--Ads--

Dagdag pa ng hepe, magkakaroon pa ng committee hearing upang talakayin ang iba pang posibleng paglabag ng establisyemento at doon matutukoy kung muli pa itong pahihintulutang magbukas.

Sa ngayon, sinabi ng opisyal na nakadepende pa rin sa magiging desisyon ng konseho ng lungsod kung tuluyan nang mapapasara o muling papayagang makapag-operate ang nasabing restobar.