--Ads--

Pinaigting ng mga awtoridad sa Santiago City ang pagbabantay sa mga kalsada sa loob ng mga barangay na madalas na maitalaan ng mga aksidente bilang bahagi ng pagpapatupad ng mas mahigpit na hakbang upang mapanatili ang kaligtasan ng mga motorista, siklista, at mga pedestrian.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Dennis Buendia, Officer in charge ng Land Transportation Office, Santiago Extension Office, kabilang sa kanilang mga hakbang ang mas madalas na pagmomonitor sa mga lugar na may mataas na insidente ng aksidente, pagpapalakas ng traffic enforcement, at pagpapaalala sa publiko na mahigpit na sundin ang mga batas-trapiko.

‎Ipinaliwanag ng mga opisyal na maraming aksidente sa mga kalsada sa loob ng mga barangay ang iniuugnay sa overspeeding, kawalan ng disiplina sa pagmamaneho, at hindi pagsunod sa mga umiiral na regulasyon sa kalsada.

‎Kasabay nito, hinikayat ng mga awtoridad ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, lalo na sa mga lugar na may makikitid na kalsada, interseksyon, at matataong komunidad upang maiwasan ang panibagong insidente.

--Ads--

‎Patuloy namang isinasagawa ng mga kinauukulang tanggapan ang regular na monitoring at koordinasyon sa mga barangay upang mabawasan ang bilang ng mga aksidente at mapanatili ang kaligtasan ng publiko.