Maaari umanong hindi makasuhan ang 14-anyos na suspek sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City noong Hunyo 22 dahil hindi ito saklaw ng criminal liability sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, law professor, sinabi niyang exempted sa criminal liability ang mga batang edad 15 pababa.
Ipinaliwanag niya na kahit may discernment o sapat na pag-unawa ang suspek sa kanyang ginawa, hindi pa rin ito maaaring managot sa ilalim ng batas. Aniya, tanging mga menor de edad na higit sa 15 taong gulang ngunit wala pang 18 ang maaaring managot kung mapatutunayang kumilos sila nang may discernment.
Sa kasong ito, sinabi ni Atty. Arreola na ang 15-anyos na suspek lamang ang maaaring maharap sa pagkakakulong.
Bagama’t malaki ang posibilidad na hindi makulong ang 14-anyos na suspek, maaari naman itong ilagay sa isang institusyong pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa rehabilitasyon.
Ayon pa kay Atty. Arreola, panahon na upang repasuhin ang Juvenile Justice and Welfare Act, lalo na’t muling umigting ang panawagang ibaba ang edad ng criminal liability kasunod ng naturang insidente.
Ipinaalala rin niya na bago maisabatas ang naturang batas noong 2006, ang mga batang siyam na taong gulang pababa lamang ang exempted sa criminal liability.
Samantala, ang mga edad siyam hanggang 15 ay maaari pa ring managot kung mapatutunayang kumilos sila nang may discernment, alinsunod sa Article 12 ng Revised Penal Code.
Bukod dito, sinabi niyang dapat ding repasuhin ang Child Abuse Law, na isa umano sa mga dahilan kung bakit nahihirapan ang ilang guro na disiplinahin ang mga mag-aaral.
Kailangan din aniyang palakasin ang pagpapatupad ng Anti-Bullying Act upang makatulong sa pagpigil sa mga karahasang kinasasangkutan ng mga kabataan.











