--Ads--

Sugatan ang isang 44-anyos na magsasaka matapos umanong pagtatagain ng palakol ng isang construction worker habang natutulog sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Santa Isabel Norte, Ilagan City, Isabela dakong alas-8:30 ng gabi noong Hulyo 19.

Kinilala ang biktima na may asawa at residente ng Purok 5, Barangay Santa Isabel Norte, Ilagan City.

Batay sa imbestigasyon ng Ilagan Component City Police Station habang natutulog ang biktima sa loob ng kanyang tahanan ay umano’y pumasok ang suspek at paulit-ulit itong pinagtataga gamit ang palakol na nagdulot ng maraming sugat sa kanyang katawan.

Agad namang isinugod ng Rescue 1124 personnel ang biktima sa City of Ilagan Medical Center para sa agarang gamutan.

--Ads--

Naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek na 32-anyos, may asawa, isang construction worker at residente rin ng Barangay Santa Isabel Norte.

Lumabas sa imbestigasyon na posibleng ugat ng krimen ang personal na alitan matapos umanong akusahan ng suspek ang biktima na may relasyon sa kanyang asawa na umano’y nagbuntis.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Ilagan CCPS ang suspek habang inihahanda ang kasong Frustrated Murder na isasampa laban sa kanya sa Office of the City Prosecutor para sa inquest proceedings.