Nahulihan ng isang unloaded na .357 revolver ang isang 14-anyos na estudyante sa Lut-od National High School sa Barangay Lut-od, Pinamungajan, Cebu, nitong Huwebes ng hapon, Agosto 20.
Nadiskubre ang baril nang magsagawa ng sorpresang inspeksyon sa mga bag ng mga estudyante ang Grade 9 adviser bilang bahagi ng pinaigting na seguridad sa paaralan. Agad itong ini-report sa school head at sa Pinamungajan Municipal Police Station.
Ayon sa paunang imbestigasyon, kinuha umano ng estudyante ang baril mula sa isang cabinet sa kanilang bahay. Napag-alamang pag-aari ito ng kanyang lolo at nakatago sa loob ng cabinet.
Walang lamang bala ang nakumpiskang baril. Samantala, ipinagkatiwala na ang menor de edad sa Municipal Social Welfare and Development Office habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.











