Maibabalik na sa pamamahala ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan ang Cauayan Public Market matapos pumayag ang Primark sa isinasagawang negosasyon para sa turnover ng palengke.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan City Mayor Caesar ‘Jaycee’ Dy Jr., sinabi nitong hinihintay na lamang ang pinal na Memorandum of Agreement (MOA) upang maisakatuparan ang bagong kasunduan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at Primark.
Ayon sa alkalde, mananatili sa Primark ang bahagi ng gusaling kinaroroonan ng mall alinsunod sa umiiral nitong kontrata, habang ang mismong pampublikong palengke ay ibabalik na sa pamamahala ng lokal na pamahalaan.
Inaasahan ni Mayor Dy na maisasagawa ang turnover bago matapos ang Hulyo upang pagsapit ng buwan ng Agosto ay ang Pamahalaang Lungsod ng Cauayan na ang mangangasiwa sa Cauayan Public Market. Aniya, agad na rin nilang sisimulan ang mga paghahanda para sa rehabilitasyon ng palengke.
Sinabi pa ng alkalde na nakalaan na ang pondo para sa planong pagsasaayos ng public market sa susunod na taon, habang isinasaayos na rin ang panukalang bagong Market Code na dumaan na sa public hearing, kabilang ang mga amyenda sa rental rates ng mga puwesto.
Dagdag pa ni Mayor Dy, hinimok din niya ang Primark na maglaan ng parking area bilang bahagi ng planong pagpapaganda ng mall upang makatulong sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko at mapadali ang pagpunta ng mga mamimili sa palengke.
Binigyang-diin ng alkalde na pinili ng pamahalaang lungsod ang maayos na negosasyon sa halip na legal na labanan upang hindi maantala ang operasyon ng palengke at maiwasang maapektuhan ang kabuhayan ng mga vendor.
Samantala, ibinahagi rin ni Mayor Dy ang iba pang proyektong pangkalusugan ng lungsod, kabilang ang planong pagtatayo ng health facility sa Forest Region gamit ang dating SLD Hospital upang mailapit ang serbisyong medikal at libreng gamot sa mga residente sa malalayong barangay.
Inihayag din niya na nakikipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod sa San Miguel Corporation para sa planong pagtatayo ng solar farm at posibleng pakikipagtuwang sa ISELCO upang magkaroon ng alternatibong pinagkukunan ng suplay ng kuryente, na inaasahang makatutulong sa pagpapabuti ng serbisyo at katatagan ng power supply sa Cauayan City.










