--Ads--

Inaasahang maisasailalim na sa pamamahala ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City ang public market sa katapusan ng Agosto matapos ang isinasagawang turnover mula sa Primark.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar “Miko” Delmendo, sinabi nitong nagsagawa sila ng committee hearing upang ipaliwanag sa mga vendor ang kasalukuyang estado ng turnover at ang mga pagbabagong ipatutupad sa pamamahala ng pamilihan.

Ayon kay SP Member Delmendo, mananatili sa ilalim ng Primark ang mall area, kabilang ang mga establisimyento sa loob nito, habang ang mga vendor sa public market ay mapapasailalim na sa pamamahala ng lokal na pamahalaan. Ang ilang dry goods vendors na nasa loob ng mall ay ililipat din sa public market upang tuluyan nang mapasailalim sa city government.

Nilinaw rin ng konsehal na simula nang maaprubahan ang ordinansang nag-aalis sa prangkisa ng Primark noong Nobyembre, wala na itong awtoridad na maningil ng renta sa mga vendor. Aniya, kapag tuluyan nang naisakatuparan ang turnover sa katapusan ng Agosto, saka lamang magsisimulang magbayad ng renta ang mga vendor sa lokal na pamahalaan, na aniya ay mas mababa kumpara sa dating singil ng Primark.

--Ads--

Dagdag pa niya, nakahanda ring pondohan ng city government ang rehabilitasyon ng public market, kabilang ang pagsasaayos ng mga pasilidad, paglalagay ng parking area upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko, at iba pang proyekto para mapabuti ang kalagayan ng pamilihan.

Samantala, upang matugunan ang matagal nang problema sa pagbaha sa paligid ng public market, sinabi ni Delmendo na agad na inatasan ang City Engineering Office na magsagawa ng paglilinis at pagbubukas ng mga drainage canal habang hinihintay ang implementasyon ng pangmatagalang rehabilitasyon ng pamilihan.