Inaasahang magkakaroon ng restructuring at zoning sa Cauayan Public Market upang maging organisado ang pwesto ng mga vendor bago tuluyang i-turn over sa lokal na pamahalaan ang pamamahala rito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar “Miko” Delmendo, sinabi niyang ipinresenta na ng Primark ang magiging hatian ng mga lugar na mananatili sa kanilang pamamahala at mga bahagi namang sasakupin ng LGU.
Ayon kay SP Member Delmendo, may ilang vendor na maaapektuhan ng naturang hatian dahil kailangan silang ilipat sa bahagi ng public market na pamamahalaan ng lungsod.
Tiniyak ng opisyal na sasagutin ng Primark ang gastos sa paglilipat at pagsasaayos ng kanilang mga bagong pwesto, at hindi muna sila ililipat hangga’t hindi natatapos ang kinakailangang construction at adjustment.
Samantala, plano ng LGU na ipatupad ang zoning system upang pagsama-samahin sa magkakahiwalay na lugar ang mga vendor na magkakapareho ang paninda o serbisyo. Layunin nitong maging pantay ang pagkakataon ng mga vendor at mas madali para sa mga mamimili na hanapin ang kanilang kailangan.
Ayon pa kay SP Member Delmendo, tinatayang mahigit 100 stalls ang maaaring maapektuhan, bagama’t hindi pa ito ang pinal na bilang dahil may ilang tenant na maraming pwesto.
Bago naman ang pinal na turnover, isasagawa pa ang inspection sa mga lugar na paglilipatan upang marinig ang komento at suhestiyon ng mga vendor at matiyak na maayos ang magiging transition.
Kapag tuluyan nang mapasailalim sa LGU ang public market, ang bayad sa tubig, kuryente at iba pang kaukulang utilities ng mga vendor ay pamamahalaan na ng lokal na pamahalaan.
Sa ngayon, hinihintay pa ang eksaktong petsa ng turnover ng Cauayan Public Market sa lokal na pamahalaan, na nakatakdang isagawa bago matapos ang buwan ng Agosto.











