--Ads--

Suportado ng National Public Transport Coalition (NPTC) ang isinagawang rally ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA–People Power Monument ngayong araw, Hunyo 30, basta’t nananatili itong mapayapa at maayos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, Convenor ng National Public Transport Coalition, sinabi niyang ikinagulat nila ang isinagawang pagtitipon dahil hindi nila inaasahan ang lawak nito. Gayunman, iginiit niyang iginagalang nila ang karapatan ng mga Pilipino na ipahayag ang kanilang saloobin.

Ayon kay Lim, marami pa ring hindi nasasagot na tanong ng taumbayan, lalo na kaugnay ng mga isyu ng korapsyon at pananagutan sa pamahalaan. Aniya, hangga’t walang malinaw na aksyon at tugon ang gobyerno sa mga usaping ito, hindi maiiwasan ang mga kilos-protesta at pagtitipon ng iba’t ibang sektor.

Sinabi rin niyang patuloy na mino-monitor ng kanilang hanay ang sitwasyon dahil hindi maaaring pigilan ang mga mamamayan sa paggamit ng kanilang karapatang magpahayag, subalit hiniling niyang manatiling mapayapa ang lahat ng pagkilos.

--Ads--

Aminado rin si Lim na nakaapekto ang rally sa daloy ng transportasyon, kabilang ang operasyon ng mga EDSA Bus Carousel at pagbiyahe ng mga pribadong sasakyan na araw-araw na dumaraan sa EDSA.

Sa huli, nanawagan siya sa mga kalahok sa rally na panatilihin ang kaayusan, iwasan ang anumang kaguluhan at makipagtulungan sa mga awtoridad.

Binigyang-diin din niya na ang tunay na hinahanap ng taumbayan ay transparency, katotohanan at pananagutan sa mga isyu ng korapsyon upang maiwasan ang mas marami pang pagkilos sa hinaharap.