Itinanghal na grand winner ang TV host at singer na si Billy Crawford sa grand finals ng Season 9 ng Mask Singer sa France.
Muling nagbigay ng karangalan sa bansa ang Pinoy artist matapos tanghaling kampeon sa reality talent show na ginanap noong Hunyo 28.
Sa Instagram page ng “Mask Singer,” ibinahagi ang winning performance ni Billy bilang si L’Ane, kung saan inawit niya ang kantang Beat It ng Michael Jackson.
Bago ang kanyang pagkapanalo, humanga na rin ang French audience sa kanyang mga pagtatanghal ng iba’t ibang French at English songs sa buong season, kabilang ang “Le Portrait,” “I Feel Good,” at “Uptown Funk.”
Sa Instagram page ni Billy, ibinahagi rin niya ang pasasalamat sa lahat ng sumuporta sa kanya bilang si “L’Ane.” Ayon sa singer, pinili niya ang nasabing karakter dahil ito ang nagustuhan ng kanilang anak ni Coleen Garcia na si Amari.
Noong 2022, nakamit din ni Billy ang titulo bilang grand champion ng French edition ng Dancing with the Stars.











