Iginiit ng Tanggapan ng Ombudsman na ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga opisyal na inuugnay sa katiwalian, kabilang si Senador Rodante Marcoleta, ay nakabatay sa merito at ebidensiya, at hindi sa anumang motibong pampulitika.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, malinaw ang batayan ng kasong nakahanda laban kay Marcoleta kaugnay ng umano’y hindi pagdedeklara ng P75 milyong donasyon sa kanyang Statement of Campaign Expenditures (SOCE) at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Inilabas ni Clavano ang pahayag habang nagsasagawa ng kilos-protesta sa kahabaan ng EDSA ang libu-libong katao, kabilang ang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo, laban sa nakaambang pagsasampa ng kasong pandarambong laban sa senador.
Sinabi ni Clavano na kapansin-pansin sa mga plakard ng mga nagpoprotesta ang panawagan para sa pananagutan at transparency. Aniya, ang Ombudsman ay nagsasagawa rin ng mga hakbang upang itaguyod ang mga prinsipyong ito sa pamamagitan ng pagsasampa ng mga kaso laban sa mga opisyal na may sapat na ebidensiyang sangkot sa katiwalian.
Binigyang-diin niya na mismong mga pahayag at pag-amin ni Marcoleta ang naging bahagi ng mga ebidensiyang ginamit ng mga imbestigador. Sa mga naunang panayam sa media, inamin umano ng senador na nakatanggap siya ng P75 milyong campaign donations, ngunit hindi ito naitala sa kanyang SOCE.
Dagdag pa ni Clavano, lumitaw rin sa imbestigasyon na hindi rin isinama ni Marcoleta ang naturang halaga sa kanyang SALN. Ayon sa kanya, ipinagbabawal ng batas sa mga opisyal ng gobyerno ang pagtanggap ng malalaking regalo maliban kung ito ay lehitimong campaign donation na maayos na idinedeklara alinsunod sa umiiral na mga regulasyon.
Samantala, iginiit ni Marcoleta na ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya ay isang pagtatangka umano ng administrasyon na patahimikin ang mga kritiko at mga tumututol sa pamahalaan. Ayon sa senador, ang kanyang layunin ay maipabatid sa publiko ang katotohanan at maipagpatuloy ang kanyang paglilingkod.
Sa kabila ng mga alegasyon, naninindigan ang Ombudsman na ang kaso laban kay Marcoleta ay nakabatay sa mga ebidensiyang nakalap sa imbestigasyon at hindi sa anumang konsiderasyong pampulitika.










