--Ads--

Nananawagan ang ilang vendor sa Cauayan Public Market na mapabilis ang turnover ng pamamahala ng palengke sa Pamahalaang Lungsod ng Cauayan dahil umaasa silang makatutulong ito sa muling pagpapasigla ng kalakalan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Judith Dalmacio, isang tindera sa nasabing pamilihan, sinabi niyang wala pa silang natatanggap na opisyal na abiso hinggil sa eksaktong petsa ng turnover ngunit umaasa silang agad itong maisasakatuparan.

Aniya, kapag LGU na ang mangangasiwa sa public market, mas mahihikayat umanong bumalik sa loob ng palengke ang mga vendor dahil sa inaasahang mas maayos na pamamalakad.

Sinabi rin niya na sa kasalukuyan ay mas marami na umano ang mga nagtitinda sa labas kaysa sa loob ng pamilihan.

--Ads--

Umaasa ang mga vendor na matutugunan ang problemang ito sa oras na tuluyang mailipat sa lokal na pamahalaan ang pamamahala ng public market.

‎Matatandaang kinumpirma ni Cauayan City Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. na pumayag na ang Primark sa isinasagawang negosasyon para sa turnover ng Cauayan Public Market sa Pamahalaang Lungsod ng Cauayan.

Hinihintay na lamang ang pinal na Memorandum of Agreement o MOA, at target ng lokal na pamahalaan na maisagawa ang turnover bago matapos ang Hulyo upang pagsapit ng Agosto ay ang LGU na ang mangangasiwa sa palengke at masimulan ang rehabilitasyon nito.