--Ads--

Nagtungo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Canada nitong Miyerkules ng gabi para sa isang opisyal na pagbisita na inaasahang magbubukas ng mas maraming oportunidad sa kalakalan, pamumuhunan at kooperasyong panseguridad sa pagitan ng dalawang bansa.

Bandang alas-8:26 ng gabi nang lumipad ang Pangulo kasama si Unang Ginang Liza Marcos at ilang miyembro ng gabinete, sa paanyaya ni Punong Ministro Mark Carney.

Ayon kay Marcos, makikipagpulong din siya sa komunidad ng mga Pilipino sa Canada na tinatayang umaabot na sa halos isang milyon. Aniya, kinikilala at pinahahalagahan ang mga Pilipino roon dahil sa kanilang kasanayan, propesyonalismo, at dedikasyon sa trabaho.

Isa sa pangunahing layunin ng pagbisita ang pagpapalakas ng ugnayang pang-ekonomiya, kabilang ang pagsusulong ng negosasyon para sa Philippines-Canada Free Trade Agreement at ng mas malawak na ASEAN-Canada Free Trade Agreement.

--Ads--

Inaasahan ding hikayatin ng Pangulo ang mas maraming pamumuhunang Canadian sa mga sektor tulad ng pagmimina, renewable at nuclear energy, telekomunikasyon, information technology at business process management (IT-BPM), cybersecurity, at financial services.

Binigyang-diin din ni Marcos ang mga kamakailang tagumpay sa relasyon ng dalawang bansa, kabilang ang pagpasok ng mga manggang Pilipino sa merkado ng Canada, paglagda ng Memorandum of Understanding on Defense Cooperation noong 2024, Status of Visiting Forces Agreement noong 2025, at ang kauna-unahang Philippines-Canada Maritime Dialogue ngayong taon.

Pinasalamatan din ng Pangulo ang patuloy na suporta ng Canada sa paninindigan ng Pilipinas kaugnay ng West Philippine Sea. Aniya, matatag ang suporta ng Canada sa soberanya at mga karapatan ng bansa alinsunod sa pandaigdigang batas, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea at ang 2016 Arbitral Award.

Sa kanyang pagbisita, nakatakdang magkaroon ng bilateral meeting sina Marcos at Carney, na susundan ng mas malawak na pagpupulong ng kanilang mga delegasyon. Inaasahan ding mabubuo ang isang komprehensibong Plan of Action na magsisilbing gabay sa mas malalim na kooperasyon at pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at Canada sa mga susunod na taon.