Suportado ng Schools Division Office (SDO) Isabela ang mas mahigpit na pagpapatupad ng polisiya ng Department of Education (DepEd) sa paggamit ng gadgets sa loob ng silid-aralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Division Information Officer Jay Gallegos ng SDO Isabela, sinabi niya na hindi bagong polisiya ang inilabas na memorandum ng DepEd kundi pagpapaigting lamang ng pagpapatupad ng umiiral na mga alituntunin sa paggamit ng gadgets at internet habang may klase.
Aniya, layunin ng memorandum na matiyak na ang oras ng klase ay nakatuon lamang sa pagkatuto at mapanatili ang isang ligtas, maayos, at distraction-free na learning environment. Nilinaw rin niyang hindi ipinagbabawal ng DepEd ang paggamit ng teknolohiya, bagkus ay isinusulong lamang ang ligtas at responsableng paggamit nito para sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Ipinaliwanag ni Gallegos na ang hakbang ay kaugnay ng pagpapatupad ng DepEd Order No. 6, Series of 2026 o ang Guidelines on Ensuring Safe and Motivating Learning Environment. Sa ilalim nito, pinapayagan lamang ang paggamit ng gadgets sa oras ng klase kung ito ay para sa academic purposes o sa tuwing may emergency, upang maiwasan ang distractions at maprotektahan ang mga estudyante laban sa mga panganib sa online.
Nilinaw din ng SDO Isabela na wala pang inilalabas na direktiba o memorandum na nag-uutos sa mga guro na awtomatikong kumpiskahin ang mga cellphone o iba pang gadgets ng mga estudyante. Sa halip, binibigyang-diin ang pagpapatupad ng positive discipline at ang paggamit ng umiiral na school rules kung kinakailangan.
Dagdag pa ni Gallegos, maaari lamang gamitin ang gadgets sa klase kung ito ay may kaugnayan sa teaching and learning, gaya ng interactive classroom activities. Hindi naman pinapayagan ang paggamit nito para sa vlogging, social media, o iba pang gawaing walang direktang kaugnayan sa pagtuturo.
Kinumpirma rin ng opisyal na may ilang ulat na silang natanggap tungkol sa mga gurong gumagamit ng gadgets sa paraang hindi naaayon sa polisiya. Dahil dito, nakipag-ugnayan na ang SDO Isabela sa mga district supervisors at school heads upang paalalahanan ang mga teaching at non-teaching personnel na mahigpit na sundin ang DepEd Order No. 6, Series of 2026.
Binigyang-diin nito na ang responsableng paggamit ng internet at gadgets ay pananagutan hindi lamang ng mga paaralan kundi pati ng mga magulang, pamahalaan, at buong komunidad.











