--Ads--

Isinulong sa Cagayan Valley Sports and Youth Summit ang panukalang italaga ang Lungsod ng Cauayan bilang Regional Training Center para sa ball games, archery, at rowing, kasabay ng paglulunsad ng Open Academy for Rowing at turnover ng sports equipment upang higit na mapalakas ang sports development sa rehiyon.

Ang summit ay programa ng Philippine Sports Commission sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan. Layunin nitong marinig ang mga pangangailangan at mungkahi ng mga lokal na pamahalaan at iba pang sports stakeholders upang makabuo ng mga programang higit na makatutugon sa pagpapaunlad ng palakasan at youth empowerment sa Cagayan Valley.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jonathan Medrano, Sports Development Officer ng Cauayan City, sinabi niya na kabilang sa mga planong isinusulong ng PSC ang posibilidad na gawing regional training center ang Cauayan City para sa ball games, archery, at rowing dahil sa estratehikong lokasyon nito sa gitnang bahagi ng rehiyon.

Kasama rin sa programa ang paglulunsad ng Open Academy for Rowing upang makahikayat ng mas maraming kabataan na sumubok at lumahok sa nasabing isport. Isinagawa rin ang turnover ng sports equipment na inaasahang makatutulong sa pagsasanay at paghahanda ng mga atleta para sa mga darating na kompetisyon.

--Ads--

Hinimok naman ni Medrano ang mga kabataan na samantalahin ang mga oportunidad sa larangan ng palakasan, kasabay ng pagtitiyak na patuloy na susuportahan ng lokal na pamahalaan ang paglinang sa kakayahan at talento ng mga atletang Cauayeño.