Positibo ang pananaw ng National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) sa paparating na Super Typhoon Inday sakaling pumasok ito sa bansa at magpalakas sa hanging habagat dahil sa posibleng pag-ulan na dala nito na maaaring magsalba sa maraming magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng bumababang tubig sa Magat Dam.
Nangangamba pa rin ngayon ang NIA-MARIIS na umabot sa critical level ang tubig ng Magat Dam pagsapit ng July 10 dahil sa kawalan ng pag-ulan sa Magat Watershed area.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Edwin Viernes, acting head ng Civil Work Section ng NIA-MARIIS, sinabi niya na kahapon naitala nila ang water elevation ng Magat Dam na 162.87 meters above sea level, may kasalukuyang inflow na 50 cubic meters per second, at may kasalukuyang outflow na 60 cubic meters per second.
Batay sa nasabing datos, malayo pa rin ito sa nakatakdang normal high water level na 190 meters above sea level.
Nangangamba ang NIA-MARIIS na kung magtutuloy-tuloy ang kawalan ng ulan ay maabot ng dam ang critical level na 160 meters above sea level sa July 10, na labis na makakaapekto sa service area ng Baligatan Diversion Dam. Kapag nangyari ito, hindi na makakapagsuplay ng tubig sa 12,000 ektarya ng lupain at titigil na rin ang power generation dahil sa kakulangan ng tubig.
Mas titindi aniya ang dagok sa mga magsasakang nasasakupan ng Baligatan Diversion Dam na umaasa sa patubig mula sa dam.
Upang mapabagal ang posibleng epekto ng mababang antas ng tubig sa dam, isinasagawa na ng NIA-MARIIS ang rotational irrigation diversion para maabot pa rin ng patubig ang mas maraming magsasaka kahit hindi na natutugunan ang 100% irrigation requirement.
Sa kasaysayan, ito na ang pangatlong pagkakataon na bumaba ang water elevation sa Magat Dam. Kung matatandaan, unang naitala ang 162 meters above sea level noong 2023 at ang pinakamababang antas ay 149 meters above sea level noong 2010.









