Tumaas ang antas ng tubig sa Magat Dam matapos umabot sa 174.34 meters above sea level ang water elevation nito ngayong Lunes dahil sa naranasang mga pag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, sinabi nito na naitala ang inflow sa 690 cubic meters per second habang 15.5 cubic meters per second lamang ang pinakakawalang tubig para sa irigasyon.
Ayon kay Ablan, dalawang beses na sinuspinde ang Irrigation Diversion Requirement (IDR) sa kasagsagan ng malalakas na pag-ulan. Nakatulong din aniya ang regular na pagsuspinde ng IDR tuwing Sabado at Linggo upang mapanatili ang sapat na antas ng tubig sa dam.
Ipinaliwanag nito na kung wala nang mararanasang pag-ulan sa mga susunod na araw, posibleng unti-unting bumaba ang lebel ng tubig hanggang sa umabot sa base flow o normal flow. Gayunman, kung magpapatuloy ang pag-ulan sa watershed area, maaari ring mapanatili ang kasalukuyang antas ng tubig sa reservoir.
Samantala, pansamantalang nakahinto ang cloud seeding operations alinsunod sa umiiral na protocol na nagsasaad na dapat itong isuspinde kapag may low pressure area o iba pang weather disturbance. Kapag na-lift na ito ay maaari nang ipagpapatuloy ang operasyon.
Sa ngayon, nakapagsagawa na ng 10 sorties o katumbas ng 10 flying hours ang cloud seeding program mula sa kabuuang 30 flying hours na nakalaan para rito kaya mayroon pang natitirang flying hours para sa mga susunod na operasyon.
Ayon pa kay Ablan, malaking tulong ang mga pag-ulan sa mga pananim, partikular sa mga palayan na nangangailangan ng sapat na suplay ng tubig. Gayunman, may ilang taniman na hindi na rin naisalba dahil sa pinsalang dulot ng matagal na kakulangan ng tubig bago dumating ang mga pag-ulan.










