--Ads--

Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magiging mas malinaw at mas mabilis ang proseso ng impeachment kung personal na haharap si Vice President Sara Duterte sa impeachment court ng Senado upang direktang sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.

Ayon sa Pangulo, mas makabubuti kung ang mismong akusado ang sasagot sa mga paratang sa halip na ipaubaya lamang ito sa mga abogado, bagama’t nilinaw niyang personal na opinyon lamang ito at hindi legal na payo. Aniya, kung siya ang nasa parehong sitwasyon, pipiliin niyang humarap sa korte kahit pa payuhan siyang huwag gawin ito.

Inatasan ng impeachment court si Duterte na dumalo sa pagdinig sa Hulyo 6, alinman nang personal o sa pamamagitan ng kanyang legal counsel. Sinabi naman ng kampo ng Bise Presidente na maaari siyang humarap kung kinakailangan at kung ito ang irerekomenda ng kanyang mga abogado.

Kabilang sa mga isyung kinakaharap ni Duterte ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, kahina-hinalang yaman, panunuhol at grave threats. Mariin naman niyang itinanggi ang mga alegasyon at iginiit na isa lamang umanong “fishing expedition” ang mga isinagawang imbestigasyon ng Kamara.

--Ads--