Pinaiigting ng Alicia Municipal Police Station ang Police Visibility sa kanilang nasasakupan pangunahin na sa national highway bilang hakbang upang mapababa ang bilang ng mga naitatalang vehicular accident sa Alicia, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Felix Mendoza, Chief of Police ng Alicia Police Station, sinabi nito na madalas may maitalang vehicular accident sa kanilang nasasakupan dahil na rin sa strectch ng national highway.
Dahil dito, nagsasagawa ang kanilang hanay ng checkpoints at patrolling upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na aksidente na maaaring maitala.
Isa naman sa kanilang tinututukan ay ang mga estudyante na nagmamaneho patungong paaralan upang mapaalalahanan at maisyuhan ng citation ticket kung sila man ay may paglabag sa batas-trapiko.
Maliban dito ay bumibisita rin sila sa mga paaralan upang magsagawa ng lectures na may kaugnayan sa bullying, road safety, anti-drugs campaign at nagsasagawa rin silang school inspection upang mapanatili ang kaligtasan sa paaralan.
Ibinahagi ni PMaj. Mendoza na malapit nang maideklarang drug-cleared ang bayan ng Alicia kaya naman puspusan ang ginagawa nilang monitoring sa mga indibidwal na nasasangkot sa mga ilegal na droga upang tuluyang malinis ang kanilang nasasakupan sa naturang ilegal na gawain.
Samantala, ngayong taon ay nakaaresto ang PNP Alicia ng limang indibidwal mula sa dalawang operasyon kontra illegal cigarette smuggling. Ang isang operasyon ay nasabat sa checkpoint habang ang isa naman ay aktwal na nahulihang nagbebenta ng illegal na sigarilyo.











