Sa gitna ng patuloy na reklamo ng mga residente at motorista, nagbabala ang mga awtoridad sa contractor ng ginagawang kalsada sa West Tabacal na maging responsable sa pagpapatupad ng proyekto upang maiwasan ang mas matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallilin, sinabi nito na matagal nang sinimulan ang road construction ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa umanong nakikitang malaking pagbabago sa proyekto.
Ayon kay Mallilin, sa kanilang isinagawang obserbasyon ay kapansin-pansin ang kakulangan ng mga kinakailangang traffic safety measures sa lugar. Wala umanong nakatalagang mga barricades, kulang ang mga signage, at wala ring mga flagman na dapat sana ay itinalaga ng contractor upang gabayan ang mga motorista.
Dahil dito, ang mga barangay tanod at mga tauhan ng Public Safety and Order Division (POSD) na lamang ang regular na nagmamando ng trapiko upang maiwasan ang mas matinding pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan.
Aniya, malaking perwisyo na rin ang nararanasan ng mga residente at mga motorista na araw-araw na dumaraan sa naturang kalsada. May mga pagkakataon umanong umaabot pa sa isang oras ang paghihintay ng mga motorista bago tuluyang makausad dahil sa matinding trapiko na dulot ng konstruksyon.
Dahil sa sitwasyon, nanawagan ang mga awtoridad sa contractor na tiyaking nasusunod ang mga kinakailangang pamantayan sa kaligtasan at maayos na pamamahala ng trapiko habang isinasagawa ang proyekto upang mabawasan ang abala sa publiko.









