Nakaranas ng paninikip ng dibdi b at mataas na blood pressure si Senatpor Rodante Marcoleta kasabay ng kaniyang pagsuko sa mga awtoridad kaugnay sa kasong Plunder laban sa kaniya.
Isinagawa ang pagsuko ilang oras bago siya sana umupo bilang Senator Judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos siyang kasuhan ng non-bailable plunder kaugnay ng umano’y P75 milyong iligal na campaign donations.
Matatandaan na tanggihan ng Sandiganbayan Third Division ang kanyang mga mosyon na ipatigil ang pagdinig ng kaso at ipagpaliban ang pagpapatupad ng warrant of arrest. Ayon sa korte, may sapat na probable cause upang litisin siya sa kasong plunder.
Matapos ang kanyang pagsuko, dinala si Marcoleta sa Philippine National Police General Hospital sa Camp Crame matapos magreklamo ng pananakit ng dibdib. Kalaunan ay inatasan siyang ilipat sa New Quezon City Jail kung saan nakakulong din sina Senador Jinggoy Estrada at dating Senador Ramon Revilla Jr. na kapwa nahaharap sa mga kaso kaugnay ng flood control controversy.
Naaresto rin ang dalawa niyang kapwa akusado na sina dating kongresista Michael Defensor at negosyanteng si Joseph Espiritu, habang patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang isa pang akusado na si Aristotle Viray.
Batay sa naging pahayag ni Marcoleta noon, nagbigay umano sina Defensor, Espiritu at Viray ng P30 milyon, P20 milyon at P25 milyon bilang donasyon para sa kanyang kandidatura noong 2025 midterm elections.
Ayon sa Department of Justice, maaaring managot sa kasong plunder ang isang opisyal ng gobyerno kung nakapagkamal ito ng hindi bababa sa P50 milyong ill-gotten wealth, mag-isa man o sa pakikipagsabwatan sa iba.
Binigyang-diin naman ni Sandiganbayan Third Division Chairperson Associate Justice Karl Miranda na ang paglalabas ng warrant of arrest ay hindi nangangahulugang napatunayan nang nagkasala ang akusado kundi indikasyon lamang na may sapat na basehan upang ituloy ang paglilitis.
Samantala, sinabi ni Marcoleta bago ang kanyang pag-aresto na handa siyang harapin ang proseso ng batas at iginiit ang kanyang pagiging inosente sa mga paratang.








