Positibong hakbang para sa pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan ang pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon sa isang constitutional law expert.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, law professor, sinabi nitong mahalagang umusad na ang impeachment proceedings dahil bahagi ito ng mekanismong itinakda ng Konstitusyon upang papanagutin ang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Atty. Arreola, bagama’t iba-iba ang opinyon ng mga eksperto hinggil sa kung sino ang dapat mamuno bilang presiding officer ng impeachment court, naniniwala siyang ang Senate President ang nararapat na manguna sa paglilitis.
Ipinaliwanag niya na malinaw sa Konstitusyon na ang Senado ang nagsisilbing impeachment court at ang tanging pagkakataong ang Chief Justice ng Korte Suprema ang dapat mamuno ay kung ang Pangulo ng bansa ang nililitis.
Dagdag pa niya, bagama’t makatutulong kung abogado ang presiding officer dahil sa kaalaman nito sa legal na proseso, hindi naman ito itinakda ng Konstitusyon bilang rekisito upang mamuno sa impeachment court.
Samantala, kaugnay ng pagkakaaresto kay Senator Rodante Marcoleta kasabay ng pagsisimula ng impeachment trial, sinabi ni Atty. Arreola na maraming nagsasabing tila nagkataon lamang ang timing ng dalawang pangyayari.
Aniya, hindi dapat pangunahan ang kaso ni Marcoleta dahil nasa hukuman na ito, ngunit ipinaalala niyang ang kinahaharap nitong reklamong plunder ay isang non-bailable offense, maliban kung mapagbigyan ng korte ang isang petition for bail.
Sinabi rin ni Atty. Arreola na hindi maaaring basta-basta iugnay ang pagkakaaresto ng senador sa impeachment trial nang walang sapat na ebidensya.
Kaugnay naman ng bilang ng mga senador na kinakailangan upang magkaroon ng hatol sa impeachment case, ipinaliwanag ni Atty. Arreola na nananatiling miyembro ng Senado ang isang halal na senador kahit nakakulong, hangga’t hindi siya natatanggal sa puwesto alinsunod sa umiiral na batas at Konstitusyon.
Gayunman, sinabi niyang ang mahalagang usapin ay kung makadadalo at makakalahok ang senador sa proseso ng paglilitis, dahil ang kinakailangang boto sa impeachment ay nakabatay sa mga alituntuning itinakda ng Senado at ng Konstitusyon.
Hinimok ni Atty. Arreola ang publiko na maging mapanuri at aktibong subaybayan ang impeachment trial dahil, aniya, ang usapin ay hindi lamang tungkol sa politika kundi tungkol sa pananagutan (accountability) ng mga opisyal ng pamahalaan at sa pagpapatibay ng tiwala ng mamamayan sa mga institusyon ng gobyerno.











