Isinisi ng ilang motorista sa isinasagawang road construction ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Barangay Labinab, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Juanito Quines, foreman ng proyekto, sinabi nito na bagama’t isinasagawa ang pagkukumpuni ng kalsada, malaking dahilan din umano ng matinding trapiko ang kawalan ng disiplina ng ilang motorista.
Aniya, one-way lamang ang bahaging kasalukuyang ginagawa. Gayunman, may mga motorista umanong hindi naghihintay ng kanilang pagkakataon na makadaan at pilit na sumisingit, na nagdudulot ng lalo pang pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan kahit pa may mga flagmen sa lugar.
Ang pagkukumpuni sa naturang kalsada ay nagsisimula mula alas-8 ng umaga at nagtatapos hanggang alas-5 ng hapon.
Mayroon naman aniyang alternatibong ruta na maaaring daanan upang hindi maabala sa kasalukuyang road construction sa lugar gaya na lamang ng pagdaan sa bahagi ng Research, Minante 1, Cauayan City.
Dahil dito, nanawagan siya sa mga motorista na maging responsable at sumunod sa ipinatutupad na traffic scheme upang maiwasan ang matinding trapiko at mapanatili ang kaayusan habang isinasagawa ang proyekto sa nasabing lugar.










