--Ads--

Nananatiling isang super typhoon ang Bagyong Inday habang patuloy itong kumikilos pakanluran sa karagatan silangan ng Northern Luzon, ayon sa pinakahuling tropical cyclone bulletin ng PAGASA na inilabas alas-5 ng hapon ngayong Miyerkules.

Huling namataan ang sentro ng mata ng bagyo sa layong 1,170 kilometro silangan ng Northern Luzon taglay ang lakas ng hanging aabot sa 195 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 240 kilometro kada oras. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Isabela, Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Ilocos Norte, Apayao, Kalinga at ilang bahagi ng Abra, Mountain Province, Ifugao, Quirino, Aurora at Catanduanes.

Ayon sa PAGASA, posible ang minimal hanggang bahagyang pinsala dulot ng malalakas na hangin sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1. Hindi rin inaalis ng ahensya ang posibilidad na maitaas sa Signal No. 2 o Signal No. 3 ang babala habang papalapit ang bagyo sa hilagang bahagi ng bansa.

--Ads--

Pinag-iingat din ang publiko sa epekto ng pinaigting na habagat at ng malawak na sirkulasyon ng bagyo na magdadala ng malalakas hanggang malakas na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao sa mga susunod na araw.

Samantala, nakataas ang gale warning sa hilaga at silangang baybayin ng Luzon at sa silangang bahagi ng Visayas. Aabot sa lima hanggang 4.5 metro ang taas ng alon sa mga baybayin ng Isabela, Batanes at Cagayan kabilang ang Babuyan Islands.

Dahil dito, pinapayuhan ang lahat ng sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot at manatili sa ligtas na daungan habang nananatiling masama ang kondisyon ng karagatan.

Batay sa forecast track ng PAGASA, pinakamalapit ang Super Typhoon Inday sa Extreme Northern Luzon sa Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga bago ito tumungo sa timog na bahagi ng Japan at karagatan sa hilaga ng Taiwan. Inaasahang lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility sa Sabado at posibleng mag-landfall sa silangang baybayin ng mainland China sa Linggo.

Bagama’t inaasahang bahagyang hihina sa susunod na mga araw, mananatili pa rin itong isang malakas na bagyo habang papalayo sa bansa. Pinapayuhan ang mga lokal na pamahalaan at residente sa mga lugar na posibleng maapektuhan na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad.