Itinaas na ang heightened alert ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga Local Government Unit (LGU), partikular sa Hilagang Luzon at iba pang hazard-prone areas, dahil sa napipintong pagpasok ng Super Typhoon Bavi sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa inilabas na pahayag ng DILG nitong Martes, inatasan ang mga lokal na pamahalaan na ihanda na ang kanilang disaster response mechanisms at tiyaking handa ang mga komunidad na nasa mataas na panganib kung lalala ang sitwasyon.
Ayon sa DILG, panahon na ngayon upang maghanda at kumilos nang mas maaga upang maprotektahan ang mga residente.
Nauna nang nagtaas ng heightened alert ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng bagyo.
Samantala, sinabi ng Department of Social Welfare and Development na nakahanda na rin ang ahensya na magbigay ng ayuda at iba pang kinakailangang tulong sa mga indibidwal at pamilyang posibleng maapektuhan.
Kapag tuluyang nakapasok sa PAR ang Super Typhoon Bavi, papangalanan itong bagyong “Inday.”
Batay sa pinakahuling ulat ng PAGASA, inaasahang papasok ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility ngayong gabi ng Martes o madaling araw ng Miyerkules.











