Patuloy na nirereklamo ng mga residente ang matinding trapiko na umano’y dulot ng kawalan ng parking area ng isang pribadong paaralan sa lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi nitong matagal nang isinusumbong ng mga residente ang nasabing problema dahil wala umanong sapat na parking space ang paaralan.
Dahil sa kakulangan ng parking area, napipilitang huminto at magparada sa gilid ng kalsada ang mga sasakyan ng mga magulang at iba pang naghahatid at sumusundo sa mga estudyante, na nagiging sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Ayon kay Mallillin, pinatawag na nila ang pamunuan ng paaralan upang dumalo sa isinagawang committee hearing at maipaliwanag ang kanilang panig, subalit hindi umano ito dumalo.
Aniya, lalo pang lumalala ang trapiko tuwing rush hour, na nagdudulot ng malaking abala sa mga motorista at maging sa mga residenteng dumaraan sa lugar.
Sa kasalukuyan, patuloy na pinag-aaralan ng mga kinauukulan ang mga posibleng hakbang upang maresolba ang suliranin at mapagaan ang daloy ng trapiko sa naturang lugar.









