--Ads--

Lumabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Inday alas-8:20 ng umaga ngayong Sabado, ayon sa PAGASA.

Kaninang alas-10:00 ng umaga, namataan ang sentro ng bagyo 590 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes taglay ang lakas ng hanging aabot sa 140 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 170 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa buong lalawigan ng Batanes dahil sa banta ng malalakas na hangin.

Bagama’t nasa labas na ng PAR, patuloy na palalakasin ng Bagyong Inday at ng habagat ang malalakas na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng bansa.

--Ads--

Nagbabala rin ang PAGASA sa mapanganib na kondisyon ng karagatan, lalo na sa Batanes, Babuyan Islands, Cagayan at iba pang baybaying lugar sa Hilagang Luzon, kung saan pinapayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot.

Inaasahang magpapatuloy ang pagkilos ng bagyo patungong East China Sea at posibleng mag-landfall sa silangang bahagi ng mainland China mamayang gabi o bukas ng umaga. Patuloy naman itong inaasahang hihina habang nasa kalupaan ng China.