Pinayagan ng Senado ang kahilingan ng Office of the Vice President (OVP) na magdala ng sarili nitong kagamitan, kabilang ang refrigerator at coffee maker, sa holding area na nakatalaga para sa depensa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate Secretary Renato Bantug, isinumite ang kahilingan sa pamamagitan ni OVP Chief of Staff Undersecretary Zuleika Lopez sa kanyang pagbisita sa Senado noong Huwebes, Hulyo 9.
Bukod sa mga kagamitan, nagtanong din ang OVP kung maaari silang kumuha ng sarili nilang caterer para sa kanilang grupo, na agad namang pinayagan ng Senado.
Ani Bantug, kabilang ang mga nasabing usapin sa mga administrative at housekeeping arrangements na pinag-usapan kaugnay ng nalalapit na paglilitis.
Isa rin sa mga tinalakay ang bilang ng mga upuang inilaan para sa defense panel sa Senate plenary hall, kung saan nakatakdang isagawa ang impeachment trial. Aabot sa 45 upuan ang nakalaan para sa panig ng depensa.
Samantala, sinabi ni impeachment court spokesperson Regie Tongol noong Biyernes, Hulyo 10, na may nakahandang holding room para kay Duterte sakaling piliin nitong personal na dumalo sa mga pagdinig.
Ayon kay Tongol, inihanda ang naturang silid bilang pagkilala sa katungkulan ng Bise Presidente at sa kanyang posisyon sa sistema ng pamahalaan.
Binigyang-diin naman ni Bantug na hindi kakaiba ang mga kahilingang ito dahil maging sa mga naunang impeachment proceedings ay pinayagan din ang magkabilang panig na magdala ng ilang kagamitan at sariling service providers.
May sarili ring caterer at iba pang service providers ang prosecution panel para sa kanilang operasyon sa panahon ng paglilitis.











