Nananatili umanong mapayapa o generally peaceful ang bayan ng Angadanan, Isabela, ayon sa Angadanan Police Station.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Roy Castillo, Deputy Chief of Police ng Angadanan Police Station, sinabi niya na ito ay bunga ng mas pinaigting na police visibility sa kanilang nasasakupan.
Batay sa monitoring record ng kanilang himpilan, isa sa mga madalas maitala ay ang vehicular accident o mga aksidente sa kalsada na madalas umanong dulot ng overspeeding, reckless driving, hindi pagsusuot ng helmet, at iba pang mga paglabag sa batas-trapiko.
Dahil dito ay mas pinaigting ng PNP Angadanan ang pagsasagawa ng intervention measures upang mapanatili ang kaligtasan sa kalsada kabilang na rito ang mahigpit na pagpapatupad ng traffic ordinances, police visibility at mobile patrol operations sa mga pangunahing lansangan.
Maliban dito ay mayroon din information dissemination na ginagawa upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang publiko pangunahin na ang mga motorista pagdating sa road safety awareness sa pamamagitan ng Project ROSA o Road Safety Anti Criminality Campaign na isa sa mga best practices ng himpilan.
Samantala, bumaba umano ng 50% ang bilang ng mga naitalang crime incidents sa bayan ng Angadanan mula Enero hanggang ngayong buwan ng Hulyo 2026. Ngayong taon ay nakapagtala lamang sila ng tatlong filed cases kumpara sa anim na filed cases sa kaparehong panahon noong 2025.











