Umaasa umano si Impeachment Court Presiding Officer Senator Francis Escudero na maresolba na ng Korte Suprema ang usapin sa bilang ng boto na kinakailangan upang mahatulan ang isang respondent sa impeachment trial, bago pa man maglabas ng pinal na desisyon ang Senado sa kasalukuyang paglilitis kay Vice President Sara Duterte
Ayon kay Escudero, ang kasalukuyang batayan ng impeachment court ay nananatiling ang 16 na boto o two-thirds ng kabuuang 24 na miyembro ng Senado, alinsunod sa Konstitusyon at sa umiiral na desisyon ng Korte Suprema sa kasong Bayan v. Zamora.
Ipinaliwanag niya na kahit 21 lamang ang kasalukuyang aktibong senador dahil nasa piitan sina Senators Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta habang nagtatago pa rin si Senator Ronald Bato dela Rosa, ang batayan pa rin ng two-thirds vote ay ang kabuuang 24 na puwesto sa Senado.
Binigyang-diin din ni Escudero na wala siyang nakuhang kasunduan mula sa ibang senador kaugnay ng isyu, bagkus ay inilatag lamang niya ang kanyang legal na interpretasyon batay sa umiiral na batas.
Kasunod nito, sinabi ni Escudero na mas makabubuting maresolba na ng Korte Suprema ang usapin kung may maghahain ng petisyon habang nagpapatuloy pa ang impeachment trial upang maiwasan ang panibagong sigalot kapag nakapaglabas na ng desisyon ang impeachment court.
Dagdag pa ni Escudero, layunin ng impeachment process na tuldukan ang mga isyung kinahaharap ng bansa at hindi magbukas ng panibagong legal na alitan matapos ang paglilitis.











