Hindi na naaabot ng tubig sa irigasyon ang maraming sakahan sa San Manuel, Isabela dahil sa nararanasang tagtuyot na dulot ng kawalan ng pag-ulan sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Guillermo “Danny” Ignacio Sr., Presidente ng Sandiat San Manuel Irrigators Association, sinabi nitong ang mga bungad na sakahan na lamang ang napapatubigan kaya napipilitan ang mga magsasaka na gumamit na lamang ng water pump.
Gayunman, ilan sa mga apektadong magsasaka ay wala umanong kakayahang bumili ng sariling water pump kaya nagkakabitak-bitak na ang kanilang mga sakahan at ang ilan ay hindi na nagtanim.
Kung water pump ang gagamitin, kinakailangan umanong kumuha ng tubig mula sa mga open source water gaya ng irigasyon kaya dapat may mga pag-ulan na marasan sa bahagi ng Ifugao at Mountain Province para magkatubig ang mga irrigation canals.
May mga deep well naman sa ilang mga sakahan subalit nagsisimula na rin umano itong matuyo kaya halos kaunti na lamang din ang nailalabas nitong tubig.
Aniya, pwede pang maisalba ang ilang mga sakahan kung magkaroon ng pag-ulan sa mga susunod na araw kaya naman umaasa sila na huwag nang patagalin pa ng pamahalaan ang pagsasagawa ng cloud seeding.











